Courtesy: LGU-Sanchez Mira

Ulat ni Villamor Visaya Jr.

SANCHEZ MIRA, Cagayan-Nanalo si incumbent mayor at retiradong Army general na si Abraham “Abe” Bagasin sa pamamagitan lamang ng 17-boto na margin laban sa kanyang kalaban at ito diumano ay dahil sa “karadap (Ilocano na salita sa gapang)” bago at sa bisperas ng halalan na muntik niyang ikatalo.

Sa panayam ng manunulat na ito sa telepono kay Mayor Bagasin, sinabi niyang naging adbokasya na nila ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang pagtutulungan at nangako sa isa’t isa na gawin ang paraan para maibsan ang “kultura ng korapsyon” sa pamamagitan ng kanilang mga personal na pagpupulong at mga social media group. Gayunman, siya ay “nalungkot” sa kanyang manipis na margin ng tagumpay.

“Ang pagkuha ng pagpapahalaga at pagkilala para sa aking mabuting pamamahala ay hindi naisalin sa mga boto. Siguro, ako ay masyadong kampante sa paniwalang ang aking rekord bilang mayor ang magbibigay ng panalo sa akin,” dagdag ng heneral na mayor.

Sa nauna na nitong Facebook post noong Martes, sinabi ni Mayor Bagasin: “Nanalo ako, ayon sa opisyal na rekord ng COMELEC. But please allow me my space to grieve. Nagluluksa ako dahil hindi ko akalaing mahihirapang lumaban ang malinis na paglilingkod kung tatapatan ng malaking pera.”

Nakakuha si Mayor Bagasin ng Lakas-Christian Muslim Democrats ng 7,132 na boto, 17-boto lamang kaysa sa mga boto na nakuha ni dating mayor Asela Sacramed ng Nacionalista Party na nakakuha ng 7,115 na boto.

Ang runningmate ni Bagasin na si John Langaman, ay malayo rin sa frontrunner na si Connie Marie Sacramed, manugang ni Asela, para sa bise alkalde. Nakakuha si Sacramed ng 8,124 na boto habang si Langaman ay nakakuha ng 4,840 na boto. Pangatlo ang independyenteng si Marissa Padirayon na may 1,147 boto.

Una na ring tinalo ni Bagasin sa kanyang unang sabak sa pulitika si Connie Marie Sacramed noong halalan ng 2022 sa pagka-alkalde. Nakakuha siya noon ng 7,362 na boto kumpara sa 6,075 na boto ng kalaban.

Lima sa mga halal na konsehal sa ilalim ni Bagasin ang nanalo, na kinabibilangan ng frontrunner na sina Carlo Cachapero, Doc Ymman Valdez, Chel Monje, Kap Mama Agabin at Val Macalma. Tatlo pa ang nasa ilalim ng pangkat ni Sacramed, na kinabibilangan nina Melbina Mangosing, Maria Luisa De Castro, at Napoleon Malto.

Sinabi ni Bagasin na “open secret” sa bayan ang sinasabing karadap-style umano ng katunggali.

“Buong Sanchez Mira, hindi ide-deny na nangyari ito. At kilala ninyo lahat kung sino-sino ang mga bumili ng boto. Hinayaan ko sila, dahil nagtiwala akong hindi mabibili ang dignidad ni Sanchez Mira,” ayon pa sa kanya.

“Habang naghihintay na wakasan ang kultura ng pagbili ng boto, patuloy nating itinataguyod ang ating malinis, naaayon sa batas, at mahusay na pamamahala,” ani Mayor Bagasin, at idinagdag na ang “dignidad at integridad” ang magsasalita para sa kanilang bayan.

“You cannot put a good man down,” dagdag niya.

Gayunpaman, itinanggi ng mga Sacramed ang anumang boto-buying spree sa mga pampublikong post sa social media.

Ang mga Sacramed, na inumpisahan noon ni Mayor Napoleon Sacramed Sr., ay dating balwarte and Sanchez Mira mula pa noong 2000s at nabasag lamang noong 2022.

Noong 2022, si Bagasin ay isang baguhan sa pulitika at naging miyembro ng Philippine Military Academy Class of 83. Siya ay dating pinuno ng First Scout Ranger Regiment sa Southern Command, ang 11th Infantry Battalion sa Negros Island, ang 5th Infantry Division na sumasaklaw sa Cagayan Valley at Cordillera, at ang 4th Infantry Division. Nang magretiro siya sa militar, itinalaga siya ni Pangulong Duterte bilang deputy administrator ng National Irrigation Administration.#