Ang National Bureau of Investigation-Isabela na lead agency sa pagsisiyasat sa bumagsak na tulay na nagdudugtong sa Cabagan at Santa Maria, wala pa raw maipapalabas na ulat dahil kasalukuyan pa ang pagsisiyasat sa pangyayari.
Sa panayam kanina (Marso 5) kay NBI Isabela provincial head agent Chris Mesa, tikom pa rin ang kanilang bibig kung sino ang may sala dahil hindi pa tapos ang kanilang pagsisiyasat sa bumagsak na tulay.
Aniya, magpapaunlak siya ng taped interview kapag natapos na ang pagsisiyasat at kasabay nito ay iuulat rin nila sa kanilang panrehiyon at pambansang tanggapan sa NBI.
Sa ngayon, kita pa rin ang pinsalang naiwan dahil sa pag-collapse ng tulay.
Patuloy pa rin ang hiling ng tulong ng mga naospital na nakaratay pa rin sa Cagayan Valley Medical Center at dumarami ang gastusin sa gamutan.
Nagpapatuloy rin daw ang technical assessment ng DPWH habang nangako ang panrehiyong tanggapan na mananagot ang mga may-sala rito kung sakaling mapatunayan na may pagkukulang ang kumpanya at mga iba sangkot rito.#