Ulat ni Carla Natividad
CITY OF ILAGAN- Problemado si Warlito Bautista Jr., 30-anyos na residente ng Ilagan City, Isabela, may- ari ng isang manukan dahil sa sunod-sunod na pagkamatay ng kanyang mga alagang manok.
Ayon kay Warlito, wala silang ideya kung bakit bigla na lang namamatay ang kanilang mga alagang manok hanggang sa nabalitaan nila ang tungkol sa Newcastle disease. Dati ay marami silang mga manok pero nagugulat na lamang sila dahil bigla na lang itong bumabagsak. Sa isang araw, dalawa o tatlo ang namamatay sa kanilang mga alaga. Labis na naapektuhan ang kanilang hanapbuhay.
Ayon pa sa kanya, kung dati ay malaki ang kita, ngayon ay wala na silang kinikita simula ng tamaan ang kanilang mga manok ng nasabing sakit. Hindi lubos maisip ni Warlito na ang kanyang pinaghirapan ay mawawala na lamang ng ganon kabilis.
Sa ngayon, ang halos 100 mahigit na manok nila ay nasa 10-20 piraso na lamang. Ang ginagawa na lang nila ay pinapainom ng mga bitamina at pinapakain ng maayos upang maging malusog ang kanilang mga alaga.