Photo Courtesy: CPIO

Opisyal nang binuksan noong Martes, Marso 11, 2025 ang bagong “One Town, One Product” (OTOP) Philippines Store Cagayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa Gasat Hall, Capitol Compound, Tuguegarao City.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Atty. Rosario Mamba-Villaflor ang kahalagahan ng dedikasyon sa pagsasakatuparan ng mga plano para sa pag-usad ng Cagayan.“These are proofs and validation na kapag pinag-planuhan mo, if you have the motivation and determination, to make things happen, it will happen,” aniya.

Nagsimula ang pagtatayo ng OTOP Hub simula nang umupo si Gob. Mamba bilang ama ng lalawigan kung saan naitayo ang Visitors Pavilion sa Nassiping, Gattaran bilang isang stop-over ng mga turista. Sa Nassiping, Gattaran din naitayo ang kauna-unahang OTOP Hub ng PGC na ngayon ay isa ng award-winning OTOP Store sa rehiyon at sa bansa.

Kanyang binanggit na ang pagkakaroon ng bagong OTOP Hub na pinangangasiwaan ngayon ng PGC ay hindi lamang nagpapatunay sa matibay na partnership ng PGC at DTI kun’di pagpapatunay rin ito na maisasakatuparan ang lahat kung sama-sama sa iisang hangarin ang bawa’t isa. Pinasalamatan niya ang iba’t ibang SMSEs na kabilang sa mga seller sa bagong OTOP Hub.

Binanggit din niya na plano ng PGC na isama ang mga ito sa international expositions sa ibang bansa upang magkaroon ng benchmarking upang makapagbukas din sa global market. “We look forward to a stronger partnership with you,” sambit ni Atty. Mamba-Villaflor.

Samantala, binanggit ni EnP. Jennifer Junio-Baquiran na ang pagbubukas ng bagong OTP Hub ay hindi lamang pagbebenta ng produktong Cagayano. Ito rin aniya ay nagpapakita ng pagkakakilanlan, kasipagan, at pagkamalikhain ng mga Cagayano. Pinasalamatan naman niya ang pagdalo ng lahat dahil aniya, nagpapakita ito ng pagsuporta sa gawa ng Cagayano at pagmamalaki sa mga Cagayano. “This is a journey to economic empowerment, tourism development, and entrepreneurship in Cagayan,” ani Baquiran. Aniya, kabilang sa pinakamalalaking hub ang Nassiping, Gattaran OTOP Hub na unang binuksan noong 2019 at ginawaran ng DTI sa unang mga taon nito dahil sa mataas na benta.

Noong nakaraang taon naman ay ginawaran ito ng DTI Region 02 bilang Outstanding Development Partner sa ilalim ng “Providing/ Improving Access Markets” Category.#