Kolum ni VILLAMOR C. VISAYA JR. (Nailathala ito sa Sept. 14 – 20, 2024 print edition)

Sa nakalipas na mga taon, naramdaman namin ang emosyonal na pagdurusa, bukod sa pisikal at mental na hamon, ng mga seafarer nang makipagkaisa kami kay Atty. Dennis Gorecho, isang abogado na humahawak sa mga kaso ng mga marino, nang mahigit sa isang taon sa pagkakaroon ng regular na seafarer’s welfare-themed public affairs program sa pamamagitan ng YouTube at Facebook noong 2020 hanggang 2021.
Kaya, alam din natin na paulit-ulit na nabigo ang Pilipinas sa pagsunod sa 1978 International Convention on STCW, na nagsisilbing balangkas ng Emsa sa pagtiyak ng propesyonalismo sa maritime sector ng Europe.
Iyon ay halos dalawang dekada ng walang ginawa ang mga pinagpipitagang mga mambabatas mula noong 2006.
Kaya naman nang lagdaan ni Pangulong Marcos ang Magna Carta of Filipino Seafarers Act sa isang seremonya sa Malacañang na sinaksihan ng mga pinuno ng Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan kamakailan, nakahinga ng maluwag ang mga overseas workers na sakay ng mga sasakyang pandagat.
Isipin na ang mahigit kalahating milyon na domestic at overseas Filipino seafarers ay mapoprotektahan ng kanilang mga karapatan at pangkalahatang kapakanan. Malaking bilang yan na matutulungan ng batas.
Kalimutan ang mga magaspang na gawain ng ilang mambabatas sa Kongreso dahil inabot ng pitong buwan matapos ibalik ni Pangulong Marcos sa Kongreso ang priority measure na ito para sa higit pang pagpipino nito.
Ngayon, dapat sundin ang paglalapat ng batas, ang Republic Act No. 12021 o ang Magna Carta of Filipino Seafarers Act.#