Kolum ni VILLAMOR C. VISAYA JR. (Nailathala ito sa July 20 – 26, 2024 print edition)
TILA mga batang nag-aagawan sa kendi ang mga senador sa bahagi ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Ang kuwento kasi rito, umabot na sa 852 na araw ang pagka-antala sa paggawa sa New Senate Building sa Taguig City. Inuulan ng batikos ang mga pinuno pero ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) walang kinalaman dito sina Senate President Francis “Chiz” Escudero at Sen. Alan Peter Cayetano.
Inamin ni Soledad Florencio, director ng DPWH Buildings and Special Projects Management Cluster (BSPMC), na ang pagkaantala ay bunga ng “variaton orders” o mga pagbabago sa itinatayong bagong gusali ng Senado. Sa pagdinig ng Senate Committee on Accounts kamakailan, naaprubahan lamang nitong Miyerkules ang mga “variation orders.”
Pinasuspindi ni Escudero ang mga paggawa dahil lumobo sa higit ba P23.3. na bilyon ang kabuuang halaga ng gusalì kasama na ang halaga ng lupa na kinakatayuan nito.
Nagbangayan din sa pagdinig sina Cayetano at si Sen. Nancy Binay, na dating chair ng Committee on Accounts, dahil sa kanya-kanyang paninindigan sa magkaibaag halaga ng mga gastusin sa gusalì.
Umabot pa sa sagutan na sanhi upang mag-walkout si Binay. Panay kasi ang pasaring at patutsada ni Cayetano.
Parang mga bata at hindi propesyonal ang mga ito. Sino pa ang maidadagdag sa mga “honorables” sa Kongreso?
*****
Maililista na ito bilang isa mga mga makasaysayang bahagi ng libro ng bansa.
Makalipas ang mahigít anim na dekada, tinalo ng Pilipinas ang isang koponan sa Europa nang gulatin ng Gilas ang national team ng Latvia, 89-80, sa 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament (OQT).
Sa rekord ng bansa, noóng 1960 Olympics ang hulíng panalo ng Pilipinas laban sa isang koponan mulâ sa Europa, nang malusután ang Spain, 84-82.
Isa nang maituturing na tagumpay ang panalong ito ng Pilipinas, makapasok man o hindi sa Olympic Qualifying Tournament.
Saludo tayo sa Pinoy!
*****