Kolum ni VILLAMOR C. VISAYA JR. (Nailathala ito sa March 30 – April 5, 2024 print edition)
ISANG mahalagang paalala ng Department of Education (DepEd) sa mga pamunuan ng mga paaralan ukol sa kanilang kapangyarihan na magsuspindi o magkansela ng mga klase lalo pa at panahon ngayon ng matinding tag-init sanhi ng El Nino.
Malinaw kasi sa Department Order no. 037 series of 2022, maaaring magsuspindi o magkansela ng mga klase ang school principal sa tuwing mayroong kalamidad, pagkawala ng kuryente at iba pa.
Sa mga lalawigan na lamang sa Lambak ng Cagayan at Hilagang Luzon, marami na ang nagpalabas ng kalatas hinggil sa blended learning modality.
Isa pang kasangga ng mga pamunuan ng paaralan ang mga nakasaad sa OASOPS No. 2023-077 na may petsang Abril 20, 2023, nasa kapangyarihan ng principal na suspindihin ang in-person classes.
May kakayahan rin silang mag-utos na isagawa na lamang ang alternative delivery modes (ADM) dahil sa matinding init ng panahon at kalamidad kung kailan maaring makompromiso ang kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante, guro at non-teaching personnel ng paaralan.
Dahil sa sobrang dami ng mga paaralan, guro at mga estudyante na kailangang bantayan ng Department of Education sa buong bansa, napakahalaga na bigyan ng pangunahing interes ang mga nag-aaral sa mga komunidad na magkaroon ng “localized assessments” para sa agaran at akma na kasagutan para matiyak ang kapakanan ng mga mag-aaral at mga kawani.#