Kolum ni VILLAMOR C. VISAYA JR. (Nailathala ito sa June 1 – 7, 2024 print edition)

HINDI umaatras sa kabila ng mga panggigipit, patuloy ang pagpapatrolya ng Philippine Navy at Philippine Air Force sa West Philippine Sea (WPS) kahit nagdeklara na ng fishing ban ang China sa nasabing lugar.

          Hindi na kailangang makinig o sumuko sa mga kapritso ng China dahil ang Pilipinas ay nagpapatrolya bilang regular na aktibidad ng Armed Forces of the Philippines. Ang patrolling ng Navy at Air Forces sa WPS ay kasama rin ang pakikipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

          Magandang malaman na walang umaatras dahil ang kanilang ginagawa ay naaayon sa Konstitusyon at prinsipyo ng pambansang soberanya.

Nagsasaad ang mga ulat sa pahayagan na ang China ay nagdeklara ng pagbabawal sa pangingisda sa WPS na nagsimula noong ika-1 ng Mayo at tatagal hanggang ika-16 ng Setyembre. Saklaw nito ang Scarborough Shoal, na dinarayo ng mga mangingisdang Pilipino.

          Ipinagmamalaki pa rin ang kanilang lakas, ang bilang ng mga sasakyang pandagat ng China sa West Philippine Sea (WPS) ay dumoble sa nakalipas na dalawang buwan, gaya ng kinumpirma ng Philippine Navy (PN) sa nakaraang validation.

          Naobserbahan din ng Navy ang pagdami ng mga sasakyang pandagat ng China kasabay ng isinagawang Ph-US Balikatan. Dumami ang bilang ng mga Chinese vessel sa Bajo de Masinloc at Pagasa Island.

(Ipagpapatuloy)