Naglaan ng ₱200,000 na pabuya ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya para sa sinumang makapagbibigay ng mahalagang impormasyon sa pagpaslang kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at lima niyang kasamahan noong Pebrero 19, 2023, sa Sitio Kinacao, Baretbet, Bagabag.
Ayon kay Nueva Vizcaya Governor Jose Gambito, bukas pa rin ang alok na pabuya upang matulungan ang mga awtoridad sa paglutas ng kaso. Kamakailan, nagtungo sa kanyang tanggapan ang mga pamilya ng biktima upang alamin ang estado ng kaso at kung patuloy pa ring ipinatutupad ang reward system.
Kaugnay nito, isang prayer vigil at candle-lighting ceremony ang isinagawa ng mga kaanak sa mismong lugar ng pananambang. Hanggang ngayon, wala pang nakakasuhan sa naturang krimen, kaya’t patuloy ang panawagan ng mga pamilya para sa hustisya.
Matatandaang patungo noon sa Maynila ang grupo ni Vice Mayor Alameda para sa isang pulong nang harangin at paulanan ng bala ng mga armadong lalaki na nakasuot umano ng uniporme ng pulis. Lahat ng sakay ng van, kabilang sina John Duane Alameda, Abraham Ramos Jr., Ismael Nanay, Alexander Delos Angeles, at Alvin Abel, ay nasawi.
Nagtungo rin ang pamilya ng mga biktima sa piskalya ng Nueva Vizcaya upang alamin ang progreso ng kaso. Ayon kay Marinella Alameda, asawa ni John Duane Alameda, hindi nila titigilan ang paghahanap ng katarungan: “”Humihingi rin kami ng support sa community ng Nueva Vizcaya, nandito kami para ipakita na patuloy pa rin kaming nagluluksa at naghahanap pa rin ng katarungan para sa aming mga asawaNandito kami upang ipakita na hindi kami titigil hanggang makamit ang hustisya para sa aming mga mahal sa buhay.”#