Ipinatutupad ng Department of Agriculture (DA) ang bagong Maximum Suggested Retail Price (MSRP) na P49.00 kada kilo para sa imported rice (5% broken) sa lambak ng Cagayan.
Ayon sa Department of Agriculture Administrative Circular No. 5, Series of 2025, ang bagong SRP ay epektibo sa mga pampubliko at pribadong pamilihan simula noong Marso 10, 2025.
Layunin umano nitong mapanatili ang abot-kayang presyo ng bigas at maiwasan ang pananamantala sa bentahan.
Kasunod ito ng batas na tinatawag na Republic Act No. 7581, na kilala rin bilang Price Act. Ang batas na ito ay nagpapahintulot sa ahensya na magmungkahi ng mga presyo para sa mga pangunahing bilihin, tulad ng pagkain, upang maprotektahan ang publiko sa over pricing.
Noong Enero 2025, bumaba ang presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado, kung kaya’t nagpasya ang ahensya na baguhin ang presyo ng bigas sa mga tindahan. Sa lumabas naman na datos ng Bantay Presyo Monitoring ng DA noong Pebrero 2025, ang retail price ng imported rice (5% broken) sa National Capital Region (NCR) ay nasa pagitan ng ₱48.00 hanggang ₱58.00 kada kilo, habang ang lingguhang average price ay umabot sa P52.74 kada kilo.
Nakipag-ugnayan naman ang ang DA R02 sa mga Local Government Unit (LGU) upang matiyak na susunod ang lahat sa itinakdang presyo.
Nagsimula na rin ang monitoring sa mga pamilihan na nagbebenta ng premium imported rice sa buong rehiyon.
Sa kabilang banda, ang ahensiya ay umaasa na ang mga rice retailer sa Rehiyon Dos ay susunod sa mga itinakdang presyo upang mapanatili ang patas na bentahan.#