Aabot sa mahigit P54,167,412 ang inisyal na halaga ng nasira sa agrikultura, imprastraktura at livestock dahil sa bagyong “KIKO” sa lalawigan ng Cagayan.
Batay sa monitoring ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), aabot sa P33,087,412 ang nasira sa agrikultura; P20,930,000 sa imprastraktura at sa livestock naman ay nasa P150,000.
Sa agrikultura, 515 na ektarya ng palayan ang nasira na nagkakahalaga ng P32,269,536 kung saan 818 na magsasaka ang apektado habang sa mais ay 112 na ektarya na may halagang P619,980 ang nasira at 93 na magsasaka ang naapektuhan.
Bukod dito, 11 mangingisda ang naapektuhan din dahil sa bagyo na nalugi ng aabot sa halagang P125,896.
Kaugnay nito, patuloy ang ginagawang assessment ng iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayab sa bilang at halaga ng mga nasirang ari-arian ng bagyong Kiko.
Samantala, sa pinakahuling datos ng PDRRMO, nakauwi na sa kani-kanilang mga tahanan ang lahat ng mga lumikas matapos humina ang epekto ng bagyo habang papalabas na ng bansa.
Nanatili namang stranded ang 58 na katao na papunta sana sa Fuga Island at Calayan kung saan 23 sa mga ito ay nasa Claveria habang 35 ang nasa Aparri dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin pinapayagang lumayag ang mga sasakyang pandagat. (Courtesy:Digna Bingayen/PDRRMO)