INIIMBENTARYO ang mga nasamsam na pinatuyong marijuana at iba pa sa operasyon sa Santiago City. (PDEA-Reg.2)

Ulat  ni  FELIX CUNTAPAY JR.

Nadakip ang isang kawani ng telekomunikasyon habang nasamsam sa kanya ang anim na kilo ng pinatuyong marijuana at mga binhi na nagkakahalaga ng P720,000 sa isang buy-bust operation sa Narra St., Calaocan village kahapon

Ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency-Cagayan Valley, kinilala ang suspek na si Narciso Buen Jr., 24-anyos na residente ng Divisoria village. Tumanggi siyang magsalita sa media at wala pang pahayag ang kanyang mga kaanak.

Maliban sa marijuana, inimpound rin ang kanyang motorsiklo.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 9165 ang suspek.

Sa Nueva Vizcaya, dinakip ang magka-live-in na sina Johnny Crisostomo Jr., 51-anyos na tricycle driver, at Jacquiline Castillano, 36-anyos na tindera nang magbenta sila ng hinihinalang shabu sa PDEA poseur-buyer sa Almaguer North, Bambang, Nueva Vizcaya kamakalawa. Wala pa silang pahayag sa media at maging ang kanilang mga kaanak.

Nasamsam mula sa kanila ang isang supot ng shabu na ginamit sa buy-bust at anim na iba pang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800 at isang traysikel.   Sinampahan na sila ng kaso sa piskalya dahil sa paglabag sa RA 9165.#