Panibagong accomplishment ang nagawa ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa pamumuno ni PNP-CIDG Director, Major General Nicolas D. Torre III.
Sa pinakahuling ulat, isang kapwa akusado ng dating tagapagsalita ni Pangulong Duterte na si Atty. Harry Roque sa isang kasong qualified trafficking in persons ay naaresto ng mga operatiba ng CIDG sa Mabalacat, Pampanga kamakalawa.
Kinilala ang suspek na si alyas ‘Marlon’ ay nadakip sa Barangay Tabun ng mga miyembro ng CIDG Regional Field Unit 3 at CIDG Pampanga Provincial Field Unit sa tulong ng Mabalacat City Police Station, ayon sa opisyal.
Ayon kay Maj. Gen. Torre, si ‘Marlon’ ang operations officer ng isang security agency na kinontrata ng mga operator ng umano’y isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) upang bantayan ang pasilidad sa Porac.
Sa isang ulat kay PNP Chief, General Rommel Francisco D. Marbil, sinabi ng opisyal na pinaigting na nila ang kanilang operasyon upang mahuli ang iba pang mga suspek kabilang sina Cassandra ‘Cassy’ Ong at 48 iba pa na may nakabinbing warrant of arrest mula sa Angeles City Regional Trial Court Branch 118 para sa paglabag sa Republic Act 9208 o Qualified Trafficking in Persons Act.
Kaugnay nito, di naman nagpapatinag si Major General Torre III kahit na sinisiraan ng kanyang mga kaaway. Gayunpaman, ang 55-taong-gulang na direktor ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay nananatiling hindi nababagabag at patuloy na nagsasabi na ginagawa lamang niya ang kanyang trabaho nang ihatid niya ang warrant na inisyu ng International Criminal Court (ICC) para sa diumano’y mga krimen laban sa sangkatauhan noong Marso.
Habang nalalapit ang karera para sa susunod na pinuno ng Philippine National Police, nasa shortlist ang pangalan ni Torre. Ipinanganak si Torre noong Marso 11, 1970 sa Jolo, Sulu, Pilipinas. Naglingkod siya bilang police director sa Samar Province, Quezon City, at Davao Region sa iba’t ibang taon.
Minsan din niyang pinamunuan ang mga pagtatangka ng pulisya na magsilbi ng warrant of arrest laban kay Pastor Apollo Quiboloy, tagapagtatag at pinuno ng Kingdom of Jesus Christ Church, na kinasuhan ng human trafficking.
Ang pagtulak para sa mga reporma, pagbabago, at pagpapabuti ng pulisya ay ang kanyang mga misyon. Minsan siyang hinirang na direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Metro Manila. Kalaunan ay itinalaga siya bilang hepe ng Quezon City Police District (QCPD). Noong Hunyo 16, 2024, na-reassign siya sa Davao Regional Police Office (PRO-11) bilang acting police director.#