Ulat ni GIDEON VISAYA

CABARROGUIS, Quirino-Pormal na binuksan ang 54th Araw ng Quirino at Panagdadapun Festival kahapon, September 6 sa Capitol Complex sa pamamagitan ng iba’t ibang mga programa.

Binigyang pugay ang mga natatanging taga-Quirino sa iba’t ibang larangan kasama na ang 77 na mga Kabataan na ginawaran ng Latin honors sa kani-kanilang mga Pamantasan, ayon kay Chief Tourism Operations Officer Aurea Martinez.

Kasama rin ang pagbibigay ng livelihood assistance, ceremonial distribution ng mga alagang hayop gaya ng baka at kalabaw para sa mga magsasaka, radio equipment sa kapulisan, disaster equipment sa PDRRMO at iba pa.

Naging makulay at masaya rin ang pagtugtog ng mga kasali sa Drum and Lyre Competition. Kampeon ang Saguday, pumangalawa ang Diffun at pangatlo ang Aglipay.

Nakiisa rin ang mga residente sa Zumba 2025: One Beat One Move Version 3.0 sa capitol complex. Naging patok rin ang Quirino Got Talent 2025 na kinatampukan ng pagpapakitang-gilas ng mga kabataan.

Tuloy-tuloy pa rin ang exhibit at agro-trade fair sa lugar maliban sa iba pang mga pakulo.

Naging panauhing pandangal si General Nicolas Torre III sa pagbubukas. Pinuri niya ang pamunuan ng lalawigan sa patuloy na pag-unlad nito mula sixth class hanggang maging first class na estado.

Magtatapos ang festival sa September 11. Pinangunahan nina dating PNP Chief General Nicolas Torre III at dating Kongresista Junie Cua ang pamimigay ng mga parangal sa Gawad Parangal para sa mga natatanging Quirinian kagabi, September 6.