Ulat ni Carla Natividad
CITY OF CAUAYAN- Pinaghahandaan na ng Schools Division Office ng Cauayan City, Isabela ang nalalapit na face-to-face classes sa pamumuno ni Dr. Alfredo Gumaru Jr, Schools Division Superintendent.
Ayon kay SDS Gumaru, mayroon na silang planning time para sa nalalapit na pasukan at gaganapin na brigada eskwela. Sa tulong ng Local Government ng Cauayan City, Isabela una nilang pinagtuunan ng pansin ang mga silid-paaralan na kailangang ayusin at kakulangan sa upuan.
Isa rin sa kinakaharap nilang problema ay ang kakulangan ng pasilidad kaya naman nagkaroon sila ng Plan B. Ito ay ang tinatawag nilang “shifting” na kung saan hahatiin ang bilang ng mag-aaral sa umaga at tanghali. “Kung pwede natin gawing adjustment ito siguro ayun yung best plan para sa ating lungsod ng Cauayan para sa ganon mabigay natin yung kalidad ng edukasyon na mayroon tayo,” ani Gumaru.
Inaasahan na gaganapin sa ika-2 ng Agosto taong kasalukuyan ang Brigada Eskwela. Nakipag-ugnayan na ang SDO Cauayan sa mga local stakeholders na tutulong sa nasabing paghahanda.