Inaasahan ang lalo pang pagliit ng mga panindang tinapay sa Isabela dahil sa pagtaas ng presyo ng harina at ng ibang mga sangkap sa paggawa ng tinapay kagaya ng asukal at itlog.
Ayon kay Marie Jane Montalbo, 33, may-ari ng bakery, pagbabawas ng sukat ng tinapay ang ginagawa nilang remedyo upang hindi nila itaas ang presyo ng kanilang mga paninda at tangkilikin pa din ito ng masa.
Gayunpaman, mayroon pa ding mga tinapay ang nagtaas presyo kagaya ng Mamon na dati ay mabibili sa halagang dalawang piso, ngayon ay tres pesos na.
Ani Montalbo, sa lahat ng tinapay na kanilang itinitinda, Mamon ang pinaka-apektado dahil lahat ng mga sangkap na ginagamit sa paggawa nito ay nagsi-taasan na ng presyo.
Samantala, hindi na umano gaanong tinatangkilik ng masa ang Mamon dahil sa pagtatas ng presyo nito. “Iyong tatlong tray namin ng mamon sa isang araw nauubos namin noon, ngayon, mga isa’t kalahating tray na lang,” ani Montalbo.