Courtesy: DENR CENRO-Palanan, Isabela

Pinakawalan sa kagubatan kamakailan ang Philippine Hawk-Eagle (𝘕𝘪𝘴𝘢𝘦𝘵𝘶𝘴 𝘱𝘩𝘪𝘭𝘪𝘱𝘱𝘦𝘯𝘴𝘪𝘴) ang pinakawalan pabalik sa kagubatan ng Dimaluade sa bayan ng Dinapigue, Isabela kaya umani ito ng papuri sa mga environmentalists.

Bago pinakawalan ang agila, siniguro raw na nasa maayos itong kundisyon ng Community Environment and Natural Resources (CENR) Palanan, Isabela Sub-Office sa bayan ng Dinapigue.

Pinangunahan ni Police Executive Master Sergeant Mauro Agcanas ng Isabela Law Enforcement Team ang pagdala sa CENRO sa naturang agila mula sa pagkakahuli nito ng isang Dumagat.

Nakipag-ugnayan din ang kanilang grupo sa Municipal Environment and Natural Resources Office, Isabela Maritime Law Enforcement Team, Philippine National Police, at Dinapigue Mining Corporation para sa pagmonitor sa kalagayan ng pinakawalang agila.

Nakatala sa International Union for Conservation of Nature o IUCN red list ang Philippine Hawk-Eagle na endangered o nanganganib na ang lahi dahil sa papaunting populasyon nito.

Patuloy ngayong hinihikayat ng tanggapan ang publiko na makipagtulungan sa pagkonserba sa mga wildlife kasama na rito ang mga agila.#