By Hexilon Palattao
Tumaas ang lebel ng ilog sa Baculud Bridge, Ilagan City, Isabela ngayong Miyerkules, April 6, dahil sa sunod-sunod na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.
Buhat nito ay ang pangamba ng mga manggagawa sa barangay Baculud katulad ni Aling Feli Carbonel, 58-anyos, naglalabandera sa ilog.
“Umaapaw ito kapag malakas ang ulan. Ngayong ganito ang panahon, wala kaming panghanap-buhay kasi naglalabandera lang kami at nagpupulot ng mais,” aniya.
Nagbalik-tanaw rin siya sa karanasan noong bagyong Ulysses nang minsan silang napalikas dahil sa lakas nito.
“Kami ‘yung nabaha, nawash out ang bahay, ‘yung mga damit wala kaming nakuha, mga kadlero. Dalawang linggo kaming nasa ibabaw ng mga parteng hindi nawash out,” aniya.
Maituturing ding dagok para sa magsasakang si Dionisio Dela Rosa, 53-anyos, ang pagbabadya ng mataas na lebel ng tubig sa tulay.
“Lumilikas kami sa barangay hall, sa basketball court kung babahain kami,” kwento niya.
Sinabing naisama rin sa pagka-anod ang kanilang tindahan ng gulay at prutas na nakapwesto sa mismong tapat ng ilog noong bagyong Ullysses.
Mabigat din ang hatid ng pag-ulan sa mga motorista na kinakailangan pang umikot sa highway dahil mabilis lang umapaw ang tubig sa tulay.
Ayon kay Manong Ricarte Nicolas, residente ng barangay, ay umaabot ang lalim ng baha hanggang tuhod tuwing umaapaw ang ilog. #