Upang suportahan at bawasan ang pagdurusa ng kanyang pamilya, pinapanday ng isang ama ang pangarap na bigyan ng mas magandang buhay ang kanyang pamilya sa bawat hampas ng kanyang martilyo.
Si Romar Carlos Natividad mula Natappian West, Solana, Cagayan ay isang ama na gagawin ang lahat para maibigay ang pangangailangan ng kanyang asawa at tatlong anak na pawang mga nag aaral pa.
Matapos ang mungkahi ng isang kaibigan, pumunta si Romar sa Department of Labor and Employment (DOLE) noong 2017 upang mag-aplay ng tulong sa pamamagitan ng DOLE Integrated Livelihood Program. Gusto niyang magbukas ng sarili niyang negosyo sa paggawa at pagkukumpuni ng muwebles dahil napagtanto niya kung gaano kadelikado ang kanyang trabaho sa konstruksyon.
Sa parehong taon, binigyan siya ng DOLE ng suporta na kailangan niya sa tulong ng Public Employment Service Office (PESO) ng lokal na pamahalaan ng Solana.
Nailunsad ni Romar ang kanyang negosyo sa kanilang lugar matapos makatanggap ng ₱10,000 bilang kapital na ginamit niya upang makabili ng mga materyales. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga serbisyo sa pagkukumpuni at paggawa ng muwebles na gamit sa bahay, mabilis na nakilala ang mga kakayahan ni Romar, na nagbigay ng bagong mga pagkakataon para sa kanyang pamilya.
Gamit ang perang kinita niya mula sa kanyang Negosyo, bumili si Romar ng siyam na biik at pampasaherong traysikel. Gayunpaman, ang pagsisimula ng pandemya noong 2020 ay nagdulot ng hindi inaasahang pagbabago sa buhay. Ang kanyang mga kliyente ay lubhang naapektuhan ng mga restriksyon, at bumaba ang mga order. Nagsara ang kanyang kabuhayan at nagkasakit ang kanyang mga baboy, na nagdagdag pa sa kanyang mga suliranin. Gayunpaman, nagpatuloy si Romar.
Upang makaraos, nagsimula siyang tumanggap ng mga gawain sa pagkukumpuni at paggawa ng mga maliliit na produktong gawa sa kahoy na kanyang inihahatid sa kanyang mga kostumer gamit ang kanyang bisikleta.
Ang kanyang pagtitiyaga ay nagbunga noong 2022. Ang kanyang pamumuhay ay lubos na bumuti sa tulong ng PESO Solana at DOLE. Nakakuha siya ng karagdagang ₱30,000 mula sa DOLE noong taong iyon bilang bahagi ng pinahusay na suporta para sa programang kabuhayan. Bilang resulta, nagawa niyang gumawa ng mga produktong kahoy at muwebles nang mas epektibo at mas mataas ang kalidad.
Ang kanyang negosyo ay nakabawi dahil sa sipag at tulong ng DOLE. Ang pamilya ay naging matagumpay sa pagtatayo, pag-aayos, at kahit pagbili ng bagong motorsiklo para sa kanilang tahanan.
Noon, mahirap para kay Romar na bayaran ang edukasyon ng kanyang mga anak, pero ngayon kaya na niya. Ang kanyang kumpanya ay patuloy na umuunlad, nakakakuha ng mga bagong kliyente at nagbibigay-daan sa kanya na magdagdag ng mas maraming tauhan upang makasabay sa tumataas na demand.
“Maraming salamat sa DOLE, malaking tulong po ang binigay niyo sa amin. Dahil sa kabuhayang hatid ninyo, hindi na ako masyadong mag-aalala sa kinabukasan ng aking mga anak. Sa kapwa ko skilled workers, patuloy ninyong linangin ang inyong kasanayan at huwag mawalan ng pag-asa. Laban lang!” Saad ni Romar.”#

