Nilooban at sinira ang tabernakulo sa Parokya ng Katoliko sa Sta. Fe kaya naman kinondena ito ng pamunuan ng Roman Catholic Diocese of Bayombong, ang namumuno sa mga simbahan sa Nueva Vizcaya.
Sa ulat ng Diocese of Bayombong na ipinamahagi sa media, sinabi nila na nadatnan ng tauhan ng Parokya na sira na ang kandado, ang kapilya at opisina ay nilooban, ang mga kagamitan ay nagkalat, ang tabernakulo ay sinira, at ang Banal na Sakramento ay ikinalat sa sahig.
Mariing kinondena ito ng simbahang Romano Katoliko dahil ito ay tahasang pagyurak sa relihiyon at tinawag itong blasphemy.
“Tayo pong mga Katoliko ay naniniwala na ang Banal na Sakramento ay hindi lamang po simpleng tinapay kundi totoong katawan ni Kristo na ating Panginoon. Kaya naman ang nangyari ay matinding dagok para sa atin bilang mananampalatayang Katoliko,” dagdag nila.
Dahil sa mga nangyari, kailangang magkaroon ng public penance sa pamamagitan raw ng tatlong Via Crucis, pagkumpisal sa labas ng Parokya at pagsasagawa ng Misa para mabasbasan ang bagong tabernakulo.
Nakipag-ugnayan na ang kapulisan kay Fr. Virgilio Mendoza, ang kura-paroko ng Mother of Perpetual Help Parish.#