Ipinakita ni Shirley Ampat, 24-anyos, ang kanyang paraan ng paggawa at pagluluto ng kakanin na patupat gamit lamang ang dahon ng buko bilang pambalot sa malagkit na bigas.
Hindi madali ang paghahabi gamit ang dahon ng niyog nguni’t bihasa na ang 24-anyos na tindera dahil na rin sa humigit-kumulang 40-taon na pagtitinda nila ng patupat sa Bannawag Norte, Santiago City, Isabela.
Umaabot ng mahigit tatlong oras ang ginugugol ni Shirley katulong ang 52-anyos na tiyahin sa paggawa ng patupat kasama na ang pagluluto nito sa kumukulong katas ng tubo na siya namang nagbibigay ng matamis na lasa sa malagkit na bigas.
Ayon pa sa kanya, lalong tumataas ang demand ng kanilang produkto ngayong papalapit na ang Semana Santa. Kaya naman puspusan na rin ang kanilang paghahanda upang makagawa ng maramihang order para sa kanilang mga customer.
Narating narin ng patupat ni Shirley ang mga bansang tulad ng Canada, Hongkong, at Singapore dahil madalas ay may mga bumibili sa kanila upang mai-export ang mga ito doon.
Maliban sa patupat, nagtitinda rin ang mag-anak ng organic na muscovado, sukang gawa sa tubo, at maging ng mga panutsa na talaga namang swak para sa nalalapit na kuwaresma.(BH Team: Genalyn Castillo, Lemar Torres at Felix Cuntapay Jr.)