Nasampahan na ng kaso ang mga natukoy na di-isinapublikong mga bilang ng suspek sa panloloob sa isang pawnshop sa Banggot, Bambang, Nueva Vizcaya.
Sa ulat ni PMaj. Novalyn Aggasid, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO), matapos ang isinagawang pagsisiyasat ng kapulisan, agad ding natukoy ang mga kawatan na nanloob sa pawnshop sa pamamagitan ng paggawa ng tunnel sa ilalim ng lupa na 700 metro ang layo patungo sa loob ng sanlaan.
Sa ngayon, naisampa na ang kasong Attempted Robbery laban sa mga suspek sa pamamagitan ng regular filing.
Ayon sa mga empleyado ng naturang pawnshop, pasado alas 7:00 ng umaga nitong Sabado, Enero 25, 2025 nang madiskubre nila na may hukay sa sahig ng kanilang opisina kaya agad na tiningnan ang kanilang mga mahahalagang gamit.
Nabatid na tinangkang buksan ng mga suspek ang vault gamit ang acetylene subalit bigo ang mga ito na sirain kaya wala silang nakuhang pera.
Wala namang naitalang nawawalang pera o alahas sa kanilang pwesto.
Dito na rin agad na tumawag sa himpilan ng pulisya ang empleyado na kagyat ring tinugunan ng mga otoridad.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng nagkulang sa oras at naistorbo ang mga suspek kaya hindi nagtagumpay sa kanilang masamang balak.
Lumabas din sa kanilang pagsisiyasat na mayroong look-out sa labas ang mga suspek kaya nagawa pa nilang makapaghukay sa ilalim ng lupa lalo na’t walang guwardiya ang naturang pawnshop at hindi rin gumagana ang alarm nila.#