Courtesy: BME/PIA NVizcaya

Tututukan ng Provincial Integrated Health Office o PIHO ng Nueva Vizcaya ang programang pangkalusugan sa Dengue Prevention and Control ngayong taon.

Ayon kay Dr. Anthony Cortez, Provincial Health Officer, may nakahanda na silang kagamitan upang mailunsad ng maaga ang Dengue Prevention and Control at uunahin ng kanilang programa ang mga bayan at barangay na nagkaroon ng maraming kaso noong nakaraang taon upang mapigilan ang paglaganap muli ng dengue.

“May mga nakahanda na kaming gamit upang maibigay ito sa mga mamamayan at sila na ang magsasagawa ng anti-dengue spraying sa kanilang mga tahanan upang mapigilan ang pagdami ng mga lamok na sanhi ng dengue,” pahayag pa ni Cortez.

Noong nakaraang taon, pumalo sa 4,760 ang naitalang dengue cases sa lalawigan at 13 ang namatay dahil dito.

Ang distribusyon ng mga dengue cases noong nakaraang taon ay ang mga sumusunod: Bayombong – 691, Kasibu – 597,  Solano – 556, Aritao – 444, Bambang – 425, Alfonso Castaneda – 370, Villaverde – 273, Diadi – 270, Quezon – 225, Sta. Fe – 208, Bagabag – 173, Kayapa – 138, Dupax del Norte – 138, Dupax del Sur – 132 at  Ambaguio – 120. #