Courtesy: PSA

DAHIL sa pangangailangan sa mas maraming manggagawa noong “ber” months patungo sa holiday season, bumaba ang bilang mga Pinoy na walang trabaho batay sa surbey noong Nobyembre 2024, ayon sa ipinalabas na ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA)  ngayong Enero 8,2025.

Iniulat ni PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, na umabot sa 1.66 milyon ang bilang ng mga walang trabaho na nasa edad 15 pataas. Mas mababa ito kumpara sa 1.97 milyon noong Oktubre 2024.

Kung ikukumpara sa parehong buwan noong nakaraang taon, bumaba rin ang bilang ng mga walang trabaho noong Nobyembre 2024 kumpara sa 1.83 milyon na naitala noong Nobyembre 2023. Sa bilang ng 51.20 milyong Pilipino na nasa labor force na naghahanap ng trabaho at kabuhayan sa panahong nabanggit, bumaba sa 3.2% ang bilang ng mga walang trabaho noong Nobyembre, mas mababa kaysa sa 3.9% noong Oktubre 2024.

Tumaas naman ang bilang ng mga may trabaho sa 49.54 milyon noong Nobyembre 2024 mula sa 48.16 milyon noong Oktubre 2024. Pero bahagyang mas mababa ito kumpara sa 49.64 milyon noong Nobyembre 2023. Katumbas ito ng pagtaas sa employment na 96.8%, na mas mataas sa 96.1%  noong Oktubre.

Tuwing holiday season, mahigit raw na 500,000 na kawani ang naidagdag sa pagtaas sa mga nakapasok sa accommodation at food service activities noong Nobyembre. Bumaba rin ang underemployment rate noong Nobyembre 2024 sa 10.8% mula sa 12.6% noong Oktubre 2024.

Nasa  5.35 milyon sa 49.54 milyong employed individuals ang naghayag ng kagustuhan na magkaroon ng karagdagang oras sa trabaho o makakuha ng bagong trabaho na may mas mahahabang oras ng trabaho noong Nobyembre.

Ang top five na sub-sectors na may pinakamalaking taunang pagtaas ng mga empleyado noong Nobyembre 2024 ay nasa sumusunod sektor:

    Manufacturing – 784,000

    Accommodation and food service activities – 528,000

    Human health and social work activities – 303,000

    Other service activities – 239,000

    Transportation and storage – 190,000

Samantala, ang apat na sub-sectors na may pinakamalaking taunang pagbaba sa bilang ng mga empleyado ay nasa:

    Agriculture and forestry – 1.99 million

    Wholesale and retail trade; repair of motor vehicles and motorcycles – 327,000

    Fishing and aquaculture – 276,000

    Electricity, gas, steam and air conditioning supply – 35,000.#