CAMP LT. ROSAURO TODA JR., CITY OF ILAGAN, Isabela- Agaran ang isinagawang pagtulong ng PNP Echague pagkatapos idulog ng isang ginang ang pagkawala ng kanyang asawa na isang rider na si Arlito De Guzman Dumlao a.k.a. Tolits, 44 anyos, at residente ng Brgy. San Juan, Echague, Isabela nitong ika-8 ng Marso, 2024 na huling namataan sa National Highway, Brgy. Batal, Santiago City.
Tumulong ang mga nasabing kapulisan sa pamamagitan ng panawagan sa mga social media platforms at pagtawag sa mga karatig na himpilan na posibleng makatulong sa mabilisang paghahanap sa nasabing rider.
Pinabubulaanan naman ng Hepe ng kapulisan ng Isabela ang mga maling impormasyon na kumakalat at napapabalita sa mga social media na siyang dahilan ng kanyang pagkawala, bagkus ang maliwanag na dahilan ay problema umano sa pamilya ang rason kaya ito nagtago.
Samantala, ika-13 naman ng Marso nang tuluyan ng bumalik ang naturang rider sa kanilang bahay na agad namang pinuntahan ng kapulisan pagkatapos nilang makatanggap ng tawag mula sa isang brgy.official nang nasabing lugar.
Lubos naman ang pasasalamat ng pamilya ng naturang rider sa mga tao at mga kapulisan na maayos na nakabalik at naka uwi ang naturang rider.
Ayon naman kay Provincial Director PCOL Lee Allen B. Bauding, huwag basta basta magpapaniwala sa mga impormasyon na kumakalat sa mga social media, bagkus ay alamin ang katotohanan upang mas mapadali ang pagtulong kung sakali mang magkaroon muli ng ganitong klaseng insidente, dahil ang mga kapulisan lamang ang tanging makakapagbigay ng tamang impormasyon.#