CITY OF ILAGAN – Patuloy ang paggalaw ng presyo ng mga bilihin sa merkado, kung saan bumaba ang halaga ng manok, ilang klase ng isda, at gulay, habang tumaas naman ang presyo ng ilang seafood at karne ng baka.
Ang presyo ng manok ngayon ay nasa ₱180-₱190 kada kilo mula sa dating ₱220. Bumaba rin ang bangus sa ₱190-₱200 mula ₱220, at ang tilapia sa ₱140-₱150 mula ₱160. Gayundin, mas mura na ang gulay gaya ng patatas, ₱80, dating ₱120-₱160 at kamatis ₱15, dating ₱60.
Samantala, tumaas naman ang presyo ng espada na ngayo’y ₱420 kada kilo mula ₱120 at pusit na nasa ₱480, mula sa dating ₱350. Ang hipon ay tumaas rin sa ₱550, mula ₱500. Ang karne ng baka, bagamat may bahagyang pagtaas, ay nananatili sa presyong ₱300-₱400 depende sa bahagi.
Ayon kay Shiela Mae Biagtan, isang tindera sa palengke, ang pagbaba ng presyo ay dulot ng paggalaw ng stock sa merkado. Aniya, “Pahirapan ang kuha ng stock, kaya minsan mataas, minsan mababa.” Gayunpaman, hindi raw sapat ang supply, kaya’t may nalulugi sa negosyo.
Para sa mga mamimili tulad ni Ryan Marinduque, hindi sapat ang pagbaba ng ilang bilihin dahil mataas pa rin ang pangkalahatang gastusin. “Mataas pa rin ang inflation at hindi tumataas ang sahod, lalo na sa probinsiya,” aniya.
Sa kabila ng pagbaba ng presyo ng ilang bilihin, nananatiling hamon ang paghahanap ng murang produkto at sapat na kita para sa mga nagtitinda. Sa patuloy na pagbabago ng presyo sa merkado, umaasa ang mga mamimili at negosyante na magkakaroon ng mas maayos na balanse sa supply at demand.#
By Mylaruth Ballinan, Media Trainee