CAMP MARCELO A ADDURU, TUGUEGARAO CITY – Tatlong katao kabilang ang isang retiradong Forest Ranger ng Department of Environment and Natural Resources ang sinampahan ng kaso ng mga otoridad matapos maaktuhang namumutol ng punong kahoy sa bulubunduking bahagi ng Brgy Nagcuartelan, Aritao, Nueva Vizcaya kahapon.
Kasong paglabag sa RA 9175 o Chainsaw Act at PD 705 o Illegal logging Act ang isinampa sa Provincial Prosecutor’s Office, Bayombong, Nueva Vizcaya laban sa mga suspek na sina Ismael Tibunsay y Naniong aka BOYET, 55 anyos, chainsaw operator, residente ng Purok Pariir, Brgy Comon, Aritao, Nueva Vizcaya; Joel Ramos y Biagan aka TUKOL, 39 anyos, isang helper at residente ng Purok Bagbag, Brgy Poblacion, Aritao, Nueva Vizcaya at Ferdinand Alvaro y Bernabe, 62 anyos, dating empleyado ng DENR at residente Brgy Banganan, Aritao, Nueva Vizcaya.
Batay sa ulat ng PNP Aritao, dakong alas 2:15 ng hapon noong ika-7 ng Hunyo 2022 nang makorner ang mga suspek na sina Tibunsay at Ramos sa anti-illegal logging operation sa naturang lugar ng PNP Aritao na pinangunahan nina PEMS Manuel O Belinan, MESPO, PMAJ OSCAR G ABROGENA,COP habang ang suspek na si Alvaro ay tumakas matapos matunugan ang operasyon.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 655.58 board feet ng pinutol na mga punongkahoy na nagkakahalaga ng 26,223.20.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga otoridad ang suspek na si Alvaro. ###