Dinakip ang 39-anyos na barangay kapitan ng Santa Isabel Sur sa pamamagitan ng mga operatiba ng pulisya at PDEA matapos itong masamsaman ng baril at shabu sa buy-bust operation sa Barangay Cabisera 14-16, City of Ilagan, Isabela kahapon, Pebrero 2, 2025.
Kulong si Barangay Kapitan Joseph Uy, 39-anyos na pinuno ng Santa Isabel Sur na nasa kustodiya na ng PNP Ilagan habang inaantay ang paglilipat sa kanya sa korte at ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, Illegal Firearms Law, Comelec gun ban at ang una na niyang kaso na murder.
Hindi siya nagpaunlak ng panayam sa media.
Kahapon, nasamsam sa kanya ang pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800; buy-bust money na P6,000, isang 9mm na baril, siyam na mg bala at ang kanyang sasakyan na puting SUV.
Una rito, kinasuhan ng murder noong Enero ngayong taon si Uy makaraang barilin nito ang kabarangay habang sila ay nag-iinuman.#
