CAUAYAN CITY-Isinasagawa ang paligsahan sa Regional Schools Press Conference (RSPC) ng halos isanlibong mga mag-aaral na qualifiers mula sa mga dibisyon sa Lambak ng Cagayan na nagsimula noong Abril 6 hanggang 9, 2025.
Hango sa temang “Galing, Talino, at Husay ng mga Batang Makabansa sa Diwa ng Matatag na Adhika,” ito ay may layon na paunlarin ang malikhaing pamamahayag ng mga mag-aaral na kalahok mula sa Tuguegarao City, Isabela, Batanes, Quirino, City of Ilagan, Cagayan, Santiago City, Nueva Vizcaya, at Cauayan City, ayon kay Dr. Octavio Cabasag, hepe ng Curriculum Learning Management Division (CLMD) sa DepEd-Region 2.
Kabilang sa mga paligsahan ang individual events ang News Writing, Feature Writing, Editorial Writing, Column Writing, Sports Writing, Science and Technology Writing, Cartooning, Copy Reading, at Photojournalism habang ang group events ay Radio and TV Broadcasting, Online Publishing, at Collaborative Desktop Publishing.
Ang mga magiging kampeon sa patimpalak ay lalahok sa National Schools Press Conference na isasagawa sa Vigan City.
Kabilang ang Lambak ng Cagayan sa Top 5 sa mga performing NSPC regions.#