Nitong linggo, nakapaglabas ng panibagong Biosurveillance Report ang Department of Health (DOH) Central Office, University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC) at University of the Philippines-National Institutes of Health (UP-NIH). Ang mga resultang lumabas kamakailan ay dumaan sa Whole Genome Sequencing noong ika-8 ng Oktubre at mula ito sa mga nakolektang samples noong unang araw ng Setyembre. Ayon dito, nakapagtala ng dalawampu’t pitong (27) Delta Variant Cases ang Lambak ng Cagayan.

Tatlong probinsya ng Rehiyon Dos ang apektado sa ating huling pagtatala. Ang probinsya ng Cagayan, ay may tig-isang kaso mula sa mga bayan ng Alcala, Allacapan, Baggao at Tuao. Nakapagtala ang mga bayan ng Cabarroguis na may limang kaso at Diffun na may tatlong kaso sa probinsya ng Quirino. Ang probinsya ng Isabela ay mayroon labing-limang (15) kaso ng Delta Variant mula sa lungsod ng Santiago na may 3 kaso, sa mga bayan ng Cabagan at Ramon naman ay may naitalang tig-dalawang kaso samantalang tig-isa naman sa lungsod ng Cauayan at sa mga bayan ng Alicia, Echague, Jones, Quezon, San Agustin, San Guillermo at San Isidro. Ang mga kasong naitala ay pawang mga local cases na ngayon ay gumaling na sa sakit, maliban sa naitalang kaso sa San Isidro at isa sa Santiago City, Isabela na namayapa na.

Ang ating Special Action Team (SAT) ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) sa tulong ng Rural Health Units at Local Government Units ng mga apektadong munisipalidad ay nagtutulong-tulong sa pagsasagawa ng maingat na case investigation at contact tracing activities. Kaakibat nito ang patuloy na pagbibigay ng Kagawaran ng mga importante, tama at naaayong mga impormasyon tungkol sa mga kaso.

Ang bawat isa, ay may kaukulang kakayahan sa pagpapalaganap ng Minimum Public Health Standards. Ang mga nakatatanda nawa’y maging butihing ehemplo sa mga kabataan sa pamamagitan ng tamang pagsuot ng face mask pati ang face shield lalo na sa 3 C’s: closed, crowded at close-contact settings.Ang paratihang paghugas ng kamay gamit ang tubig at sabon o pag sanitize gamit ang alcohol-based solusyons ay mainam sa pagpapababa ng pagkalat ng impeksyon. Panatilihin ang physical distancing at siguraduhing may magandang daloy ng hangin sa mga lugar na pupuntahan. Piliing magpabakuna kontra COVID-19 upang magkaroon ng karagdagang proteksyon sa katawan, maging isang B.I.D.A. at sama-sama nating tapusin ang pandemya. Source: DOH Region2