Larawan mula sa BLGU Runruno/Kap. John Babli-ing

Ulat ng BH Team

NUEVA VIZCAYA-Umakyat na sa lima ang bilang ng mga namatay sa insidente ng mga natrap na minero sa ilegal na 700-meter lalim na mining tunnel sa Sitio Capitol, Barangay Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya matapos yumao ang ikalawang rescuer kaninang madaling araw, July 4.

Ang namatay ay ang 38-anyos na rescuer na si Johnny Ayudan. Siya ang bunsong kapatid ng isa sa mga minerong unang namatay na si na Lipihon Ayudan. Unang natrap sa 700 metrong lalim na butas na pinagmiminahan ng mga biktima si Lipihon at tumulong si Johnny upang ilabas ang kanyang kapatid kasama ang dalawang iba pa subalit nawalan siya ng malay habang nasa ilalim ng butas.

Idineklarang patay ang isa niyang kasamang rescuer nang marekober sila noong Hunyo 26. Buhay pa naman nang mailabas si Johnny subalit mahina ang katawan matapos himatayin dahil sa kawalan ng hangin. Agad na isinugod noon si Johnny Ayudan ang rescuer at nanatili roon hanggang sa yumao kaninang madaling araw habang nakaconfine sa hospital. Iuuwi umano si Johnny Ayudan na rescuer sa kanilang lugar sa Communal, Solano, Nueva Vizcaya.

Nailibing na rin ang lahat ng mga namatay na minerong yumao. Una nang nagbigay ng tulong pinansiyal ang lokal na pamahalaan ng Barangay Runruno at munisipyo ng Quezon sa mga rescuer at kapamilya ng mga namatay na minero. Kinilala rin ng lokal na pamahalaan sa katapangan at kabayanihan ng mga local miner na tumulong sa pagliligtas sa mga minero.#