Isinusulong ni LPGMA Partylist at REGASCO President Arnel Ty ang responsable na paggamit ng LPG sa isang pulong-pambalitaan sa Cauayan City kamakailan. (Felix Cuntapay Jr.)

Ulat ni FELIX CUNTAPAY JR.
CAUAYAN CITY-Itinataguyod ng LPG Marketers Association (LPGMA) at REGASCO ang responsable at ligtas na paggamit ng liquified petroleum gas o LPG at bilang isang paraan ng kamalayan at pagsunod sa mga alituntunin na itinakda sa ilalim ng RA 11592 o ang LPG Law.
Sinabi ni LPGMA Partylist at REGASCO President Arnel Ty, kasama ng mga ambassador ng TV series na “Batang Quiapo,” na ang tamang impormasyon para sa ligtas na paggamit ng LPG at lahat ng probisyon ng batas at ng mga mamimili ay lubhang mahalaga.
Bilang reaksyon sa umano ay pagsabog ng LPG na ikinasakit ng isang caretaker sa lungsod na ito kamakailan, sinabi ng dating partylist na kinatawan ng LPGMA na ang “kaligtasan” ay dapat palaging matiyak. Matatandaang nasaktan ang isang Russell Acob sa Purok 5 sa Barangay Tagaran nang sumabog ang tangke ng LPG na binabawasan umano nito ng karga. Nasunog ang ibabang bahagi ng dalawang paa ni Acob. Dinala siya sa ospital.
Sinabi ni Ty na tinitiyak ng LPG Law ang “kaligtasan at kapakanan ng mga mamimili at mga tao” habang nagtatatag ito ng mga komprehensibong patnubay para sa wastong paghawak, pag-iimbak, at pamamahagi ng LPG.
“Gumagawa ito ng isang balangkas na aktibong nagpoprotekta laban sa mga potensyal na panganib. Kami, sa pribadong sektor, ay nagsusulong ng ligtas at karaniwang mga silindro ng LPG,” ayon pa kay Ty.
“May apat na milyong cylinders na sira-sira at hindi ligtas pero dahil may batas, yung mga kinakalawang, pwede silang mag-demand na palitan, pwede silang palitan ng safe tank kasi libre yun, nakasaad sa batas na pwede. Kumuha ng ligtas na tangke. Makipag-ugnayan sila para makapag-operate kahit anong brand na may lisensya. Matutulungan natin sila, hanggang lisensya para mag-operate, matutulungan natin sila,” dagdag niya.#