Patay ang isang retiradong sundalo na nakamotorsiklo matapos itong bumangga sa isang tumatawid na lalaki sa national road ng Don Mariano Perez, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Batay sa ulat, binabaybay ng retiradong sundalo na residente ng La Torre South, Bayombong ang daan sa tapat ng sementeryo nang mabangga nito ang biglaang tumawid na lalaki.
Tumilapon ng halos limang metro ang 21 anyos na residente ng Bonfal Proper samantalang tumama sa poste ang rider at sumadsad pa sa kalsada ng halos 10 metro.
Ayon sa pulisya, mabilis ang takbo ng motorsiklo nang biglang tumawid ang lalaki.
Namatay ang driver samantalang kritikal ang nabangga nito na inilipat sa mas malaking hospital sa Cabanatuan City.#