Nagbunga rin ang pagsisikhay ni Atty. Mark Ceasar V. Tecson matapos pumasa sa 2020/2021 Bar examinations.

Ulat ni VILLAMOR VISAYA JR.

SANTIAGO CITY-Simple at mapagpakumbaba.
Ito ang tingin ng mga kamag-anak at kaibigan kay Atty. Mark Ceasar V. Tecson, anak nina National Food Authority-Soccsksargen Regional Director Miguel “Mike” Tecson at retiradong kawani ng NFA na si Chato Tecson kaya naging matagumpay siya sa nakaraang 2020/2021 Bar examinations.
“Mabait siya, masipag, simple at may takot sa Diyos. Natutuwa kami at pumasa siya kahit pa mahirap dahil sa pandemya,” ayon sa NFA regional director.
Produkto ng Infant Jesus Montessori School of Santiago City sa hayskul, si Mark Ceasar ay court decongestion officer habang nagrerebyu sa Bar. Ipinalabas noong Abril 12 ang resulta ng Bar.
Tinapos niya ang AB-Political Science sa University of Santo Tomas at Juris Doctor degree sa San Sebastian College.
Ito ang payo ng magulang ni Mark Ceasar para sa kanya: “Your persistence, sacrifices, and sleepless nights have finally paid off. Papa, Mama, and Ate Charmie are so proud of You. Keep your feet always on the ground!”
Naiyak din sa tuwa ang kanyang kapatid na babae, si Charm Tecson, dahil sa pagpupunyagi ng kapatid.
“May kapatid na akong abogado! Hanga ako sa lahat ng pinakita mo. Grabe hindi naman ako yung nagtake pero umiiyak ako kanina sa UV bago pumasok. Sobrang Proud na Proud kami sayo. Deserve na Deserve mo lahat ito. Ikaw naman. Time mo naman. We Love you,” ayon kay Charm.#