Ilang armas at mga sasakyan ang ipinamahagi ng Philippine National Police Region-2 sa ibat-ibang Police Station sa Isabela sa isinagawang Blessing at Turn-over of Equipment kasama ang buong pwersa ng kapulisan sa Ilagan na ginanap sa Isabela Police Provincial Office, Ilagan City nitong October 5, 2023.
Kasama sa mga nai-turn over na kagamitan ang isang unit ng Personnel Carrier para sa Ilagan Component City Police Station. Labindalawang yunit naman ng Patrol Jeeps ang ibinigay para sa mga Police Station sa probinsya kasama na ang Alicia, Aurora, Angadanan, Burgos, Benito Soliven, Cabagan, Dinapigue, San Manuel, Sta Maria, Sto Tomas, San Mariano, at bayan ng San Pablo.
Nagbahagi rin ng mga armas para sa mga istasyon at kasama na rito ang ilang ISO Equipment na naglalaman ng walong tactical vest at labindalawang Enhanced Combat Helmet na mapupunta sa Ilagan, Echague, San Guillermo at San Mariano Police Station. Nakatanggap naman ng sampung Units ng 5.56 Basic Assault Rifle istasyon ng Divilacan at Maconacon.
Maliban sa pag turnover ng mga mobility assets at equipment, siniguro naman ni Police Brigadier General Christopher Birung, Regional Director ng Police Region-2 ang kahandaan ng kanilang ahensya upang tugunan ang mga magiging hamon sa nalalapit na BSKE elections sa buong rehiyon.#