Nag-alay ng maikling panalangin si Senador Lito Lapid sa imahen sa kanyang pagbisita sa City of Ilagan, Isabela kanina, Abril 14. Dinumog ang senador ng mga tagahanga sa kanyang pangangampanya sa lalawigan ng Isabela at Cagayan.

Ulat ni DEMIE DANDAY, BH Reportorial Team

CITY OF ILAGAN, Isabela- Nagbigay-paalala si Senador Lito Lapid sa mga kapwa deboto na magtika at manalangin bilang pakikiisa na rin sa pagkabuklod-buklod ng bansa ngayong panahon ng Semana Santa.
Sa panayam sa senador, na sumikat sa tawag na Leon Guerrero, sa siyudad na ito, akma ang panahon ng Semana Santa para magkaisa ang mga pinuno ng bansa at iwasan ang paagkawatak-watak para maisulong ang kapakanan ng mamamayan.
Sa panahon rin na ito na mainit ang panahon at naglalaro sa 42-degree Celsius hanggang 43-degree Celsius sa Isabela at Cagayan, ipinayo ni Senador Lapid na laging uminom ng tubig at iwasang magbabad sa init ng araw.
Partikular rin niyang binanggit ang mga may-edad na na mag-ingat lagi at umiwas sa mainit na panahon para ligtas at malusog.
Awtor ng humigit-kumulang isanlibong mga akda sa Kongreso at 100 rito ay ganap nang naging batas.
Kabilang sa mga batas na ito ang Free Legal Assistance Law o Lapid Law na nagbibigay ng abogado para sa mga mahihirap at naaagrabyado sa batas.#