By Hexilon Palattao
Nagpaalala ang Social Security System sa mga employers ng kanilang maaaring kaharapin kung hindi susundin ang kanilang obligasyon sa mga empleyado at ahensiya.
“Kapag hindi nagcocomply ang mga employers, hino-hold accountable namin sila sa kanilang legal obligations,” sagot ni Atty. Antonio Argabioso, SSS Luzon Senior Vice President, sa press conference nitong Huwebes, April 7, matapos bisitahin ang labingtatlong taga-empleyo na delingkwente na nagbabayad ng kontribusyon.
“Sa aming datos, 30 libong employers na ang nakasuhan sa kanilang mga paglabag,” dagdag pa niya.
Ayon sa kanilang ahensiya, ilan sa mga paglabag na ginagawa ng mga employers ay non-registration, hindi pagrereport ng bilang ng mga empleyado, at pandaraya ng sahod ng mga trabahador.
Base sa SSS, Luzon North 2 Division, mula 2017-2019, gumagamit ng “coercive force” ang kanilang mga awtoridad upang mapilitan ang mga ito na magbayad ng kanilang kontribusyon.
Bukod sa pagpataw ng 2% na penalty na ipinapataw ay kinakasuhan din ang mga hindi sumusunod taga-empleyo.
Bagamat may mga nasampahan nang kaso sa mga employers, inamin naman ni Argabioso na handa ang kanilang ahensiya na iurong ang mga demanda at makipagsundo sa mga itong bayaran na lamang ang kanilang obligasyon.
Ang aktibidad ng Run After Contribution Evaders ng SSS ay sabay-sabay na isinasagawa sa buong bansa. #