Suspek sa pagnanakaw sa Santiago City naaresto na ng Awtoridad

SANTIAGO CITY- Timbog ang suspek sa pagnanakaw na naganap pasado alas dos ng madaling araw noong ika-syam ng Hulyo taong kasalukuyan sa Barangay Plaridel, Santiago City.

Pasado alas dos ng madaling araw nang makatanggap ang Presinto 2 ng ulat hinggil sa naganap na pagnanakaw sa Espiritu St., Purok 6, Plaridel, Santiago City.

Ayon sa biktimang si alyas “Ana”, may-ari ng niloobang bahay, napansin umano niyang may isang hindi kilalang lalake sa loob ng kanilang bahay na siyang nagtulak sa kanya upang sumigaw at humingi ng tulong sa kanyang ama na si alyas Lando. Agaran namang hinabol ng mga kasamahan nila sa bahay kabilang si alyas “Joey” ang suspek, ngunit bigo silang maabutan ang nasabing lalake. Natangay ang isang Huawei Tablet na nagkakahalaga ng P9,000.00, isang kulay gray Realme cellphone na nagkakahalaga ng P7,000.00, isang kulay itim na Realme cellphone na nagkakahalaga ng P5,000.00 at isang asul na vivo cellphone na nagkakahalagang P11, 000.00.

Samantala, sa patuloy na pagsasagawa ng follow-up investigation, napansin umano ng mga tauhan ng Presinto Tres ang isang kahina-hinala at abandonadong black and white EURO E110 na motorsiklo, walang plaka at nakaparada sa harapan ng NEAH Pet Clinic, sa Patul Road, Santiago City. Dahil dito, agad namang nasabihan ang mga kamag-anak ng biktima na manmanan at ipagbigay alam sa pulisya kung sino man ang kukuha sa nasabing motorsiklo.

Dakong alas onse ng umaga ng parehong araw, namataan ang isang lalaki na kinilalang si alyas “Andong”, 33 anyos, walang asawa, labourer/painter at residente ng Purok 2 Patul, Santiago City na akmang kukuha sa nasabing motorsiklo dahilan upang komprontahin ito ni alyas “Joey”. Positibo ding itinuro ng biktima si Doria na siya ang lalaking pumasok sa kanilang bahay. Dahil dito, agad na naaresto ng awtoridad ang suspek at dinala sa Presinto 2 kasama ang motorsiklo at iba pang ebidensiya para sa wastong disposisyon.

Kaugnay nito ay nabawi ng mga awtoridad mula sa suspek ang mga ninakaw mula sa mga biktima sa loob ng ginagawang bahay sa Plaridel, Santiago City.

Sa kasalukuyan, ang suspek ay nasampahan na ng tatlong magkakahiwalay na reklamong Robbery na may docket NPS NOS: II-05-INQ-22G-00094 sa Office of the City Prosecutor, Santiago City. # (Photo courtesy:PNP-Santiago City)