Nasunog ang dalawang tambak ng mga naaning mais ni tatay Elizardo Mallari, Sr. ng Calamagui, San Pablo, Isabela matapos itong sunugin ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek.
Ayon kay Elizardo, iniwan nila kahapon ang mga naaning mais sa bukid para ipapa-thresher sana ngayong araw subali’t laking gulat niya nang madatnan niyang halos abo na lahat ang kanyang mga pinaghirapan sa loob ng ilang buwan.
Panlulumo ang nararamdaman ngayon ni Elizardo dahil hindi niya lubos maisip kung paano makakabangon muli sa sobrang mahal ng mga nagastos niya mula sa pagpapa-tractor ng lupa, pagbili ng binhi at abono, hanggang sa pagbayad ng mga taong nagtanim at nag-harvest sa kanyang mga mais.
Hindi lubos maisip ng pamilya kung bakit may mga taong gumawa nito sa kanyang mga ani. Ayon pa sa biktima, sana ay naisip ng mga gumawa nito na dugo at pawis ang kanyang naging puhunan rito.
Nananawagan siya sa mga kinauukulan na sana ay mahuli ang mga may kagagawan nito at sana ay tulungan din siya ng mga ahensiya ng pamahalaan upang makabangon muli.(Marinel Mallari-Dadiz)