Ang akusado na si Mc Jay Cabanit. (Photo courtesy:PNP-Nueva Vizcaya Provincial Office)

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya– Nasakote ng mga kapulisan ng Villaverde Police Station ang isa umanong rapist na tinaguriang Top 2 most wanted person ng probinsya noong Setyembre 3 sa bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya.

Pinuri ni Provincial Director Police Colonel Ranser Evasco, provincial director ng PNP-Nueva Vizcaya, ang mga operatiba ng Villaverde police kasama ang 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company sa matagumpay na pagkakaaresto kay Mc Jay Cabanit, 26, residente ng Purok 5, Brgy. Nagbitin, Villaverde, Nueva Vizcaya.

Ayon kay Police Major Nova Lyn Aggasid, hepe ng PNP-Villaverde, Nobyembre 16 ng nakaraang taon ng magtungo sa himpilan ng pulisya ang menor-de-edad na biktima para isuplong ang panggagahasa.

Base sa salaysay ng biktima, nag-umpisa ang panggagahasa taong Marso 2019 ng bigla umanong pasukin ng nasabing akusado ang biktima nito sa loob ng kwarto bitbit ang isang kutsilyo at sapilitang ginawa ang masamang motibo. Matapos gawin ang panggagahasa ay pinagbantaan itong papatayin silang lahat pag ito ay nagsumbong.

Makailang-ulit pa umano nitong ginawa ang panggagahasa sa tuwing umuuwi itong nakainom.

Ang akusado ay naaresto sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu ni Hukom Cicero Jandoc, Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 29 sa Bayombong, Nueva Vizcaya para sa kasong Rape na walang inirekomendang pyansa.

Sa kasalukuyan ay nasa custodial facility na ng Villaverde Police Station ang nasabing akusado para sa dokumentasyon at pagsasaayos bago ilipat sa korteng pinanggalingan.#