Ulat DEMIE DANDAY
SANTIAGO CITY- UMANI ng papuri si Gian Rowee Clave Samson, 22-anyos, makaraang makamit ang ikawalong pwesto sa Top 10 National Topnotchers sa Radiologic Technologists Licensure Examination kamakailan.
Nakakuha ng 91.40 na rating sa pagsusulit si Samson, residente ng Bugallon Proper at nagtapos ng naturang kurso sa University of La Salette-Santiago City.
Dahil sa tagumpay, binigyang pugay si Samson ng mga pinuno ng pamantasan, mga mag-aaral at mga kababayan.
“Overwhelming pa rin po at di ako makapaniwala na nakapag-topnotch ako at akala ko questionable ang mga sagot ko at di ako papasa,” ayon kay Gian Rowee sa panayam ng pahayagang ito.
Pinapurihan rin ang pamunuan ng University of La Salette-Santiago dahil pangatlo ito sa mga Top Performing Schools sa naturang pagsusulit ayon sa ipinalabas ng PRC sa Commission Resolution No. 1814. Nakapagtala ang Pamantasan ng 91.67-porsiyento dahil sa 22 ang pumasa mula sa 24 na kumuha ng pagsusulit.#
