Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City – Makalipas ang mahigit isang taong pagtatago, naaresto kahapon sa Zone 6 Barangay Agaman Norte, Baggao ang suspek na Top 1 Most Wanted ng lalawigan ng Cagayan dahil sa kasong pagpatay.
Kinilala ang suspek na si Michael Valdez, disinwebe anyos, magsasaka at residente ng nasabing lugar.
Ayon sa ulat ng PNP Baggao, nangyari ang krimen noong ika-15 ng Marso taong 2019 laban sa biktimang si Jabes Cocoy, bente-otso anyos at residente ng nasabing lugar. Sinaksak umano ng suspek ang biktima gamit ang isang patalim habang sila ay nag-iinuman sa isang okasyon sa nasabing lugar. Bago ang insidente, nakipagkamayan pa umano si Cocoy kay Valdez at nagkaroon ng kaguluhan na hindi alam kung ano ang pinagmulan. Nagtamo si Cocoy ng tama sa kaliwang dibdib na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Si Valdez ay naaresto sa bisa ng mandamuento de aresto na inilabas ni Presiding Judge Gemma Bucayu-Madrid ng Regional Trial Court Branch 1-Tuguegarao City noong ika-9 ng Agosto taong kasalukuyan sa kasong pagpatay at walang inirekomendang piyansa.
Ang suspek ay kasalukuyang nakapiit sa Baggao Police Station para sa kaukulang dokumentasyon bago dalhin sa korte na may hurisdikyon sa nasabing kaso.
Pinuri ni PRO2 Regional Director Police Brigadier General Steve Ludan ang kapulisan ng Cagayan sa matagumpay na operasyon. (Ulat mula sa PRO2)