Photos Courtesy: PRO2 PIO

CAMP MARCELO ADDURU, TUGUEGARAO CITY – Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang isang High Value Individual sa San Manuel, Isabela matapos ang matagumpay na operasyon ng PNP at PDEA sa Brgy District 4, San Manuel, Isabela kahapon.

Ang naarestong suspek ay kinilalang si Arjay Yerro, 36 anyos, taho vendor at residente ng Brgy Nuesa 1, Roxas, Isabela.

Batay sa ulat ng PNP San Manuel, dakong alas 10:00 ng umaga kahapon nang ikasa ang buy-bust operation sa Purok 7, Brgy District 4 ng nasabing bayan ng pinagsanib pwersa ng San Manuel Police Station, RGSC Isabela, Isabela PDEU, RDEU at PDEA Isabela na nagresulta sa pagka aresto ni Yerno at pagka kumpiska sa apat na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na may standard drug price na 4,760 pesos, dalawang libong piso at isa pang pakete ng hinihinalang shabu na ginamit sa nasabing transaksyon.

Hinihintay na lamang ng PNP San Manuel ang resulta ng isinagawang drug test kay Yerno at ang laboratory examination ng mga nakumpiskang hinihinalang shabu bago tuluyang isampa ang kasong paglabag sa RA 9165 laban sa naturang suspek.(PNP PRO2 PR)