Ulat ni MA. JESUSA ESTEBAN
Sa hangarin na matulungan ang mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao, nagpadala ang mga kooperatiba ng kuryente sa Lambak ng Cagayan ng mga linemen at tulong bilang bahagi ng Task Force: Tulong Kapatid.
Inihayag ni David Solomon Siquian, Philippine Federation of Rural Cooperatives (Philfeco) chairperson at Isabela Electric Cooperative II (ISELCO II) general manager, na maliban sa pagkukumpuni ng mga nasirang linya at poste ng kuryente, naglaan din ang pederasyon ng salapi at kagamitan.
Nagpunta sa Visayas mula sa Lambak ng Cagayan ang grupo kamakailan. Kinabibilangan ng mga tumulong ang mga crew members mula sa Isabela Electric Cooperative I (ISELCO I), ISELCO II, Cagayan Electric Cooperatives 1 and 2 (CAGELCO 1 and 2), Nueva Vizcaya Electric Cooperative at North East Luzon Electric Cooperatives Association (NELECA).
Iniatas na rin ng Philfeco Board na ilabas at ipamigay na ang P100,000 na tulong bawat kooperatiba ng kuryente na kasapi ng Cooperative Development Authority sa Negros Occidental, Negros Oriental, Palawan at Guimaras.
May personal na donasyon rin at tulong-salapi sa mga kooperatiba na pinamamahalaan ng National Electrification Administration.
Una rito, hinimok ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association Inc. (Philreca) na bumuo ng grupo ang mga kooperatiba ng kuryente mula sa mga di-apektadong lugar sa bansa na tumulong sa pagkukumpuni sa mga nabiktima ng bagyong Odette.#