Pinanguhanan ni Gobernador Manuel N. Mamba ngayong araw ng Lunes, Mayo-30, ang turnover ng mga heavy equipment, modernong rubber boats, at mga rescue vehicles sa flag-raising ceremony sa Kapitolyo.
Sa kabuuan, napasakamay ng Provincial Engineering Office, Motorpool Division ang sampung (10) dump trucks, dalawang (2) self-loading cement mixers, isang 6-cubic cement mixer, dalawang wheel loader at isang fuel tanker.
Kasabay ng mga heavy equipment na nai-turnover sa PEO-Motorpool, naibigay din sa MDRRMO Lasam ang kanilang modernong rubber boats bilang premyo sa nakalipas na Rescuelympics na naganap noong buwan ng Pebrero na pinangunahan ng PDRRMO sa liderato ng pinuno nito na si Darwin Sacramed, ang Provincial Administrator ng PGC.
Tinanggap din ng Task Force Lingkod Cagayan ang pitong mga rubber boats na ikakalat sa pitong mga istasyon nito sa lalawigan. Samantala, ang lahat ng limang makabagong search at rescue vehicles ay maitatalaga naman sa opisina ng PDRRMO.
Sa panayam naman kay Engr. Stanley Tungcul ng PEO-Motorpool Division, sinabi nito na ang mga heavy equipment na dumating ay madaragdagan pa ng isang bulldozer, dalawang pison at dalawang excavator.
Paliwanag pa ni Engr. Tungcul na ang isa sa mga excavator na binili ng PGC ay amphibious excavator na kung saan magagamit sa mga lugar na binabaha o sa mga pangpang ng mga ilog na pwedeng palalimin upang hindi magbaha.
Dagdag pa ni Engr. Tungcul, pinaglaanan ni Gob. Mamba ng budget ang mga heavy equipment ng halagang P100 milyon, ngunit dahil sa competetive bidding ng PGC nakatipid ang Pamahalaang Panlalawigan ng P20.7 milyon. Ang natipid na pera ay ilalan sa pagbili ng karagdagan pang mga equipment.
Sa kabilang dako, ang bawat bago at modernong search and rescue vehicle ng PGC ay nagkakahalaga naman ng P3.5 milyon, samantalang ang mga makabagong mga rubber boats ay aabot naman ng halagang P965,000.#