(Courtesy: DOST-PAGASA)

Iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na isa ang probinsiya ng Cagayan na posibleng tumbukin ng bagyong “Marce” na pumasok na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) kaninang madaling araw, Nobyembre 4, 2024.

Sa pahaya ni Gemalyn Lappay ng Northern Luzon PAGASA Regional Services Division, dalawang scenario ang kanilang nakikita, una, kung kikilos ang bagyo pahilaga ay tatamaan nito ang extreme northern Luzon.

Pangalawa, kung kikilos naman ang naturang bagyo patimog ay tutumbukin nito ang Cagayan o Isabela.

Paliwanag ni Lappay, “northeasterly windflow” o hangin na nanggagaling sa hilagang silangan na nagdadala ng bahagyang malamig na temperatura ang weather disturbance na posibleng magtulak sa bagyo pababa na makaaapekto sa Cagayan.

Aniya, kung mahina ang epekto ng northeasterly wind flow ay gagalaw ang bagyo pataas at tutumbukin nito sa extreme northern Luzon o sa Batanes.

Sa ngayon, wala pa umanong direktang epekto ang bagyo sa anumang parte ng bansa maliban na lamang sa trough o extension nito na nagdadala ng pag-uulan.#