Home News Unity Walk at pagpirma ng Peace Covenant, isinagawa sa City of Ilagan,...

Unity Walk at pagpirma ng Peace Covenant, isinagawa sa City of Ilagan, Isabela

0
23
Courtesy: PNP Isabela

Nakiisa ang mga 21 lokal na kandidato sa Unity Walk, Interfaith Prayer Rally, at Peace Covenant Signing na ginanap sa City of Ilagan Community Center kahapon, Marso 6.

Layunin ng aktibidad na pinangunahan ng City Joint Security Control Center (CSJCC) na tiyakin ang pakikiisa ng mga kandidato para sa isang malinis, ligtas, payapa, at maayos na halalan.

Nagsimula ang pagtitipon alas-4:00 ng hapon sa harap ng City Hall ng Ilagan, kung saan nagmartsa ang mga kalahok patungo sa Ilagan Community Center para sa Unity Walk. Sinundan ito ng Interfaith Prayer Rally na pinangunahan ng mga lider ng relihiyon mula sa Simbahang Katoliko, Muslim Community, at Ilagan Ministers Association.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Police Lt. Col. Jeffrey Raposas, acting police chief ng Ilagan Component City Police Station (ICCPS), na mananatiling apolitical at non-partisan ang PNP at paiigtingin ang mga hakbang sa seguridad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa panahon ng halalan.

Nagbigay din ng kanilang suporta at mensahe ang mga kinatawan ng Army, DILG at Comelec. Binigyang-diin nila ang mahalagang papel ng sama-samang pagsisikap ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang tiyakin ang isang mapayapa at patas na halalan.

Binigkas rin ang Integrity Pledge, na sinundan ng Peace Covenant Signing, Handshake for Peace, at ang sabayang pag-awit ng Ilagan Hymn bilang simbolo ng pagkakaisa at pangako para sa isang ligtas at tapat na halalan.

Ang pagtitipon ay sumasalamin sa sama-samang hangarin para sa patas, walang daya o kinikilingan na halalan.#