Courtesy of Lubuagan Municipal Information Office

Ulat ng Balitang Hilaga Team

Nahulog sa bangin ang isang Delica Van na may plakang CTS-954 sa bahagi ng Tabuk – Bontoc – Enrile National Road, Mosimos Section, Dupag, Tabuk City kamakalawa.

Sa ulang ng Lubuagan Municipal Information Office na kabilang sa mga nagresponde sa lugar, nakilala ang mga sugatan na dalawang sakay na sina Jarry Mayyon, 44-anyos ng Ilocos Sur at drayber, at si Ceasar Marquez, 19-anyos ng Pinukpuk, Kalinga.

Ayon sa imbestigasyon, galing Pinukpuk at papunta ng Ilocos Sur ang van nang mawalan ng preno habang paakyat. 

Dahil sa bigat ng kargang tiles at posibleng overloading, hindi na nakontrol ng driver at tuluyang nahulog sa bangin na may higit 100 metrong lalim, diretso sa Pasil River.

Agad na rumesponde ang MDRRMO ng Lubuagan at Pasil, PNP-2nd KPMFC, Lubuagan MPS, at BFP mula Lubuagan at Pasil.

 Agarang naisugod sa ospital ang mga biktima at kasalukuyang nagpapagaling sa mga sugat at bali sa katawan.#