Photo by: Hexilon Palattao

By Hexilon Palattao

Pinangunahan ng Santiago City youth volunteers ang pag-oorganisa ng pagbisita ni VP Leni Robredo sa siyudad. Ito’y sa kabila ng pagkabilang ng Isabela sa tinatawag na Solid North at inaasahang massive votes para kay BBM.

Tanghali pa lamang ay naghihintay na sa kalsada ang mga tagasuporta para sa pagdating ni VP Robredo at Senator Pangilinan. Makikita ang mga kabataan at senior citizens sa Maharlika Highway at City Road na may hawak na pink na bandila at mga slogan na sumisigaw ng makulay na bukas. Nakikibusina rin ang mga sasakayang napapadaan upang makisuporta.

Sa Robredo-Pangilinan headquarter sa Dubinan East, ganoon din ang sabik ng mga nais makakita kay Robredo upang makisama sa kaniyang kampanya ngayong eleksyon. Naunang dumating si senatorial candidate Dick Gordon na agad dumiretso sa likod upang magpa-interview sa media. Mga bandang 5:15 ng hapon ay sumunod si Pangilinan na sinalubong ng chant ng mga kabataan na “walang solid north.” At sa pagbaba ni VP Leni, hindi na mapigilan ang mga masugid na tagasunod na magdikdikan upang mahawakan at makakuha ng litrato kasama ang tumatakbong kandidato sa pagkapangulo.

Sa kanilang talumpati, nakasentro si Pangilinan sa pagbibigay importansya sa mga mangingisda at magsasaka at pagkain. Binigyang diin naman ni VP Leni ang kaniyang pagkatalo rito sa norte noong 2016 kung saan tumakbo siyang Vice President, ngunit hindi ito naging hadlang para mag-abot kamay sa probinsya ng Cagayan at Isabela sa oras ng pangangailangan. Matatandaang isa si Robredo sa unang nagpahatid ng tulong nang hagupitin ng bagyong Ulysses ang Cagayan at Isabela. Hindi naman naging matagal ang kanilang pagbisita sa headquarter at kinakailangan ding kaagad pumunta ng Banchetto, Echague kung saan magaganap ang kanilang grand rally at salubungin ang naghihintay na 10,000 katao, ayon sa police report.

Sa pakikipanayam sa isang youth volunteer for Leni, para kay Allen Troy Martinez, 16 years old, ang pinakaimportanteng bagay na nakuha niya sa kampaniyang ito ay ang mga kaibigan na itinuturing na niyang pamilya. “First time kong makisama sa rally, magpaint ng mural, at isa ako sa tumutulong kay VP Leni para ipanalo siya sa kaniyang laban kahit hindi pa ako bumoboto,” dagdag pa niya.

Nagpahayag din ang Akbayan Youth member, Calao West SK chairman, at aspiring city councilor, Mark Sotto. “Noong nakita ko siya sa parada, hindi na ganda ng muka ‘yong nakita ko, kung hindi pag-asa. Ine-encourage ko ‘yong mga kabataan na sana huwag magpadala sa fake news at matutong rumespeto sa sinusuportahang kandidato ng iba dahil nagrereflect ‘yong image ng kandidato nila sa pinapakita nila.”

Sa comment section ng Luzonwide News Correspondent, pahayag ni kababayang Jessie Mariano na “matapang na sila riyan, nagising na sila sa pagkakaalipin.” Sumunod din ang komento ni Mr. Peter Abello na sinabing “ang kabataan ang magpapanalo kay VP Leni. Salamat sa Diyos at sila’y nakakaintindi na sa eleksyon na ito.”#