TUGUEGARAO CITY-Nadakip ang walong katao makaraan ang umano’y tangkang pagnanakaw sa isang telecommunication company dito sa lungsod kamakalawa.
Ayon sa Tuguegarao Component City Police Station (TCCPS), nakita ng mga awtoridad sa CCTV Camera ng Command Center ang kahinahinalang pagbubungkal ng mga suspek sa isang manhole na malapit sa compound ng nasabing kumpanya.
Kaugnay rito, mabilis namang rumesponde ang hanay ng kapulisan at nadatnan sa akto ang mga suspek na sina Alyas Josh, 29-anyos, Alyas Nino, 38-anyos, Alyas Benny, 34-anyos, Alyas Baldo, 24-anyos, Alias Baldo, 24-anyos, Alias Popo, 28-anyos, Alias Boyet, 22-anyos, Alias Garry, 44 -anyos, at Alias Melan,28-anyos na pawang mga hindi residente sa siyudad.
Nang magsagawa ng inspeksyon ang mga rumespondeng pulis ay bigo namang makapagpakita ng kaukulang permit ang mga suspek kaugnay sa kanilang ginagawang aktibidad kaya inaresto ang mga ito.
Nasamsam ng mga awtoridad ang isang chain lock, dalawang malalaking bolt cutter, isang maliit na pait, dalawang malalaking martilyo, isang maliit na martilyo, isang crowbar, isang digging bar (bareta), tatlong improvised digging bar, apat na green reflectorized construction shirt, at isang puting sasakyan.
Nasa kustodiya na ng TCCPS ang lahat ng nadakip na suspek at nahaharap sa kasong Attempted Robbery. Samantala, wala namang iniulat ang pulisya na nawala o nanakaw matapos agad marespondehan ang pagtatangka ng mga nahuling suspek.#